Mga kandidato at taga suporta pinaalalahanan ng DENR na huwag magsabit ng campaign materials sa mga puno

CAMARINES NORTE – Ilang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga kandidato at mga taga suporta na huwag sabitan ng mga campaign materials ang mga puno at higit sa lahat ay huwag itong susugatan.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni OIC Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Nestor Franz Fortuno na obligasyon ng lahat na pangalagaan ang kalikasan at kasama dito ang hindi pagsasabit ng campaign paraphernalia sa mga puno.

Aniya sa ilalim ng Presidential Decree 953, may kaukulang parusa ang sinuman na magdudulot ng panganib sa mga puno. Dapat umanong ituring na ang mga puno ay tulad din ng tao kapag nasusugatan.

Sa ilalim din ng Comelec resolution, pinapayagan lang ang pagpaskil ng campaign materials sa mga common poster areas at sa pribadong lugar basta’t may pahintulot ang may ari. Umapela rin si Fortuno sa mga kandidato na iwasan ang paggamit ng single used plastic na campaign materials sa halip ay hinihikayat ang mga ­ito na gumamit ng recyclable at mga environment-friendly material.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *