Mga magulang na nagpapapirma para makakuha ng Educational Assistance sa DSWD dagsa rin sa eskwelahan sa unang araw ng pasukan

CAMARINES NORTE- Dumagsa sa eskwelahan sa unang araw ng pagbubukas ng klase ang mga magulang na nagpapapirma ng certification at mga kumukuha ng certificate of enrollment para maka- avail ng Educational Assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Ayon kay Sofio Rieza, School Principal IV ng Daet Elementary School, umaga pa lang kasabay ng pagsisimula ng klase ay dumagsa rin ang mga magulang sa kaniyang tanggapan para magpapirma.

Ani Rieza, bagamat tila nahuli ang pagbibigay ng ayuda ay timing pa rin naman daw ito sa pagsisimula ng klase.

Sa kabila naman ng pagdagsa ng mga magulang sa eskwelahan para magpapirma ng certification ay manageable pa rin naman umano ang problema.

Wala rin umanong magiging problema sa kaniya ang mga magulang dahil agad- agad naman siyang pumipirma.

Naniniwala umano siya na  kailangang mabilis ang pagbibigay ng serbisyo at kung kayang maibigay agad ay mas mainam.

Mababatid na marami ang nadismaya noong Sabado dahil sa hindi maayos na sistema ng pamamahagi ng educational assistance ng DSWD.

Nangako naman mismo si Secretary Erwin Tulfo na aayusin na ang sistema sa mga susunod na distribution ng ayuda kasabay ng paghingi nito ng paumanhin.

Batay sa datos ng DSWD nasa 848 clients ang kanilang naserbisyuhan noong Sabado at nakapagbigay ito ng ayuda na nagkakahalaga ng P2, 054, 000.00

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *