Panibagong guidelines para sa pamamahagi ng educational assistance sa mga susunod na araw hinihintay pa ng DSWD Provincial Field Office

CAMARINES NORTE – Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Provincial Field Office sa Camarines Norte na hindi pa nila alam ang magiging set- up sa susunod na pamamahagi ng educational assistance.

Kasunod yan ng naging pahayag ni Secretary Erwin Tulfo na ibababa na sa LGU ang payout ng educational assistance dahil na rin sa nangyaring kaguluhan at kalituhan noong nakaraang Sabado sa unang linggo ng pamamahagi ng ayuda na ikinadismaya ng marami.

Ayon kay Gilbert Alfuerte ng DSWD Provincial Field Office hinihintay pa nila ang panibagong direktiba mula sa national office kaya hindi pa umano sila makapagbigay ng kumpletong detalye ukol dito.

Tugon ito ni Alfuerte nang matanong ni Councilor Inah Arana- Macale sa pagharap ng mga kinatawan ng DSWD sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Basud nitong Lunes, Agosto 22.

Aniya sa ngayon ay mabigat na ang kanilang mga natatanggap na online applicants liban pa sa inaasahang pipila sa venue ng pay out.

Nilinaw rin nito na hindi kasama sa educational assistance ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s tulad ng naging pahayag ni Secretary Tulfo.

Ito ay dahil mayroon na umanong natatanggap ang 4P’s beneficiaries na cash grant para sa pag- aaral ng kanilang mga anak.

Hindi rin masabi ng DSWD Provincial Field Office kung hanggang saan ang aabutin ng budget dahil na rin sa inaasahang dami ng mag- aavail.

Kaugnay nito hindi na umano nila hinihikayat na mag- avail ang mga may permanenteng trabaho upang mapagbigyan ang mas nangangailangan ng ayuda.

Matatandaan na sinabi na rin mismo ni Tulfo na bukod sa 4P’s beneficiaries ay hindi rin kasama sa mabibigyan ng educational assistance ang iskolar ng gobyerno.

Ginawa ng kalihim ang paglilinaw kasabay ng paghingi ng paumanhin dahil sa nangyaring magulong pay out.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *