Planong pagpapatupad ng province wide curfew sa Catanduanes, hindi sinang-ayunan ng isang alkalde sa lalawigan

San Andres, Catanduanes— Hindi sinang-ayunan ni San Andres, Catanduanes Mayor Peter Cua ang planong pagpasa ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan hinggil sa pagpapatupad ng province wide curfew sa nasabing probinsya.

Ayon sa alkalde, hindi umano magiging epektibo ang nasabing hakbang sa pagpapababa ng COVID-19 cases sa isla, bagkus ay magiging malaking dagok lamang sa mga negosyo at mga manggagawa na pinahihintulutang makapagtrabaho at makapag operate tuwing gabi ngayong nasa ilalim ng MECQ quarantine classification ang lalawigan.

Inihalimbawa ng alkalde ang kanilang bayan na matagal nang nagpapatupad ng curfew mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga ngunit hindi pa rin nila makitaan ng pagbabago ang bilang ng COVID-19 cases na naitalala sa kanilang lugar.

Sa halip na province wide curfew, ang mahigpit aniyang na implementasyon sa mga umiiral na safety health protocols ang dapat bigyang pansin ng bawat LGU sa probinsya.

Sa huli, inihayag ng opisyal na anumang araw ngayong buwan ng Hulyo ay magsasagawa ng pagpupulong ang mga alkalde sa Catanduanes at kaniyang bubuksan ang nasabing usapin doon.

Sa kasalukuyan ay nasa komite na ng SP ang usapin hinggil sa pagpapatupad ng nasabing polisiya habang hati naman ang opinyon ng iba pang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan hinggil dito.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *