POC, umapela sa mga Tokyo-bound athletes na mag-focus sa training

Umapela si Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino sa lahat ng mga atleta na pagtuonan na lamang ng pansin ang kanilang preparasyon para sa Tokyo Olympics na gaganapin sa loob ng 58 araw.

Ang nasabing mensahe ni Tolentino ay nakadirekta kay Olympic-bound boxer  Eumir Marcial, na nakikipag sagutan sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at sa Philippine Sports Commission dahil sa kanilang pagkakaiba sa opinyon kaugnay sa sapat na pinansyal na suporta na dapat makuha ng isang atleta para sa Olympics.

Iginiit ni Tolentino na dapat ay gawing prayoridad na lamang ng mga atleta ang kanilang Olympic buildup at wag nang isipin ang mga isyu na makakagulo lamang sa kanilang bids sa pagkuha ng gintong medalya.

Sinabi ni Tolentino na sinusubukan na niyang mag-reach out sa mga atleta lalo na kay Macial.

Matatandaan noong May 12 ay sinabi ng southpaw Filipino boxer sa kanyang Facebook post na nakakatanggap ito ng P43,000 kada buwan, na hindi anya sapat para sa kanyang panggastos sa plane tickets, accomodation, pagkain, coaching staff, supplements, masseur at iba pa.

Nag-viral ang nasabing post ni Marcial, at mula noon ay nakakatanggap na ito ng offers mula sa iba’t-ibang personalidad kabilang na mula kay Thirdy Ravena at Chooks-to-Go president Ronald Mascarinas. (RAMAK KOWSARI)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *