Supply ng medical oxygen para sa mga Covid-19 patients sa Koronadal, sapat pa!

KORONADAL CITY — SAPAT pa ang supply ng mga medical oxygen na ipinapadala sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities o TTMF sa lungsod ng Koronadal.

Ngunit ayon kay Dr. Stephen Mortera, city health physician ng lungsod, may mga ginagawa na silang pamamaraan upang madagdagan ang supply ng mga oxygen sa Koronadal dahil malaki ang posibilidad na kukulangin ito dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.

Ayon kay Mortera, isa ang oxygen sa pinaka-importante pangangailangan ng mga Covid-19 patients na dapat maibigay sa kanila.

Sa ngayon, halos punuan na umano ang mga TTMF sa lungsod kung saan dinadala ang mga may mild at moderate symptoms ng Covid-19.

Paliwanag ni Mortera na magkahiwalay ang pasilidad na pinagdadalhan ng mga may mild at moderate symptoms.

Sakali umanong nagiging severe ang kanilang karamdaman, nililipat ang mga ito sa ospital ngunit dahil sa kawalan din ng bakante, pansamantalang ginagamot ang mga ito sa TTMF habang naghihintay ng lugar sa mga ospital.

Matatandaan na dalawang Covid-19 patients na ang binawian ng buhay sa TTMF sa Koronadal matapos hindi nadala sa ospital dahil sa kawalan ng bakante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *