2 kaso ng Delta variant naitala na sa Bicol

BICOL—Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na nakapagtala na ng kaso ng COVID-19 Delta variant ang rehiyon.

Base ito sa resulta ng genomic sequencing mula sa Philippine Genome Center (PGC) na natanggap ng Bicol Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) nitong August 5, 2021.

Isa nito ay mula sa lungsod ng Legazpi na iniuugnay sa isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na nagmula sa bayan ng Malilipot, Albay.

Isa naman ang mula sa bayan ng Nabua, Camarines Sur na nagtatrabaho sa kalapit na bayan ng Bula. Palaisipan pa kung saan nito posibleng nakuha ang virus pero ayon sa DOH, tinamaan din ng COVID-19 ang ama nito.

Mababatid na una nang nakumpirma sa rehiyon nitong July 21, 2021 ang 11 kaso ng Alpha variant ng COVID-19 o ang strain na unang nadetect sa United Kingdom at 22 kaso ng Beta variant o ang strain na unang nadetect sa South Africa.

Sa 11 Aplha variant, pito ang mula sa Camarines Sur at tig-iisa ang Iriga City, Naga City, Masbate City at Sorsogon City pero lahat ng ito ay mga gumaling na.

Ang 22 Beta variants naman ay naitala sa Camarines Sur na may walo, apat sa lungsod ng Naga, tatlo sa Albay, tatlo rin sa lungsod ng Legazpi, dalawa sa lungsod ng Tabaco, isa sa Camarines Norte, at isa sa Sorsogon.

Dahil dito ay umabot sa 35 ang kabuuang bilang ng mga Bicolanong nahawaan ng mga variants of concern kabilang ang alpha, beta at delta.

Ang Delta Variant o B.1.617.2 ay unang nadetect sa India noong October 2020 at kilala bilang pinakanakakahawang strain ng coronavirus sa buong mundo.

Kaugnay nito ay patuloy na hinihikayat ang mga Bicolano na matamang sundin ang mga health protocol gaya ng tamang pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa physical distancing at tamang hand hygiene.

Mahalaga rin umanong manatili na lamang sa loob ng bahay, iwasan ang lahat ng uri ng social gatherings at iwasan din ang mga kulob na lugar.

Umapela rin ang DOH sa publiko na agad na mag-isolate sakaling magkasakit, magsuot ng face mask at agad na magpakonsulta.

Higit sa lahat, pinakamahalaga umano na magpabakuna na lalo na ang mga hworkers, senior citizens at persons with comorbidities upang maiwasan ang mas malalang kaso ng COVID-19.### || slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *