3K residente ng Zambales, nakinabang sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang distribusyon ng cash assistance at bigas sa inilunsad na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Zambales.

Tatlong libong residente ng lalawigan ang tumanggap ng tig-1,500 pesos at limandaang pisong halaga ng bigas na bahagi ng Cash and Rice Distribution o CARD program.

Ginanap ang programa sa Iba Gymnasium Sports Center sa Iba, Zambales kung saan binigyang-diin ni Romualdez na tugon ito sa tumataas na presyo ng bigas at suporta sa vulnerable sector sa tulong ng abot-kayang access sa staple food at cash aid.

Umaasa rin ang House leader na maipaparating ang programa sa lahat ng legislative districts sa panahon ng implementasyon nito kaya nagpasalamat siya sa DSWD dahil sa pakikipagtulungan sa Kamara.

Bukod dito, pinagkalooban ng cash assistance ang tatlong libong magsasaka sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization o FARM na layong tulungan ang mga naghihirap na rice farmers at upang mapataas ang buffer stock ng bigas ng administrasyong Marcos.

Sa pamamagitan nito ay hihimukin ang mga magsasaka na ibenta ang isandaang kilo ng produce na bigas sa National Food Authority.

Samantala, nasa limandaang milyong pisong halaga ng ayuda, livelihood packages, scholarships at iba pang programa ng gobyerno ang ipamamahagi sa walumpung libong residente ng Zambales hanggang bukas, araw ng Linggo bilang bahagi ng BPSF.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *