KORONADAL CITY — MALAKI ang paniniwala ngayon ng pamilya ng 13-anyos na dalagita na nakitang wala ng buhay at nasa state of decomposition sa taniman ng pinya sa Purok Pag-asa, Barangay Cannery Site, Polomolok, South Cotabato na ginahasa ito bago pinatay.
Kahapon ng hapon nang makita ang bangkay ni Althea Arcamo, na unang naireport na missing Hulyo 5 ng umaga habang nagbebenta ng prutas.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal sa pinsan ng biktima na si Daniel Artego, nakita ang bangkay nito na wala nang suot na pang-ibaba at may sugat sa ulo na pinaniniwalaang hinampas ng matigas na bagay.
Umalis umano ng bahay bandang alas-10 ng umaga noong Hulyo 5 si Althea upang mag-benta ng prutas ngunit hindi na ito naka-uwi.
Ikinagulat na lamang umano ng mga ito nang pinuntahan ng mga kapulisan ang ina ni Althea upang ipa-kumperma ang bangkay na nakita sa taniman ng pinya.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng pamilya ang resulta ng imbestigasyon upang malamaman kung ginahasa ito o hindi habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa krimen.