City Of Ilagan nasa medium risk classification; 20 barangays, apektado ng COVID-19

Nasa ilalim na ng medium epidemic risk classification ang City of Ilagan matapos makitaan ng pagbaba sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa syudad.

Ito ang inihayag ni Mayor Jose Marie Diaz kung saan mula aniya sa dating 7.44% na Averaged Daily Attack Rate (ADAR) ng lunsod ay bumaba ito sa 6.47%.

Bumaba rin aniya ang 2-week growth rate mula sa dating 76.085% ay nasa 67% nalang ngayon.

Sa kabila nito, nababahala pa rin ang alkalde dahil bagaman bahagyang bumaba ang kanilang aktibong kaso ay marami aniya ang bilang ng suspected cases at ang pagkakatala ng isang kaso ng delta variant.

Sinabi niya na nasa mahigit 100 ang suspected cases na mga close contacts ng mga nagpositibo ang naisailalim na sa anti-gen test at nakahandang isailalim sa confirmatory test.

Inihayag naman niyang nakarekober na ang naitalang delta variant case sa syudad.

Ayon pa sa alcalde, nasa 20 na mga barangay sa syudad ang apektado ng naturang virus.

Aniya, mahirap na muling isailalim sa panibagong lockdown ang mga barangay dahil kailangang balansehin ang ekonomiya at ang usaping pangkalusuga.

Kaugnay nito ay iminungkahi ni Mayor Diaz na tanging mga purok nalang ang isasaillalim sa lockdown at hindi ang buong barangay upang makapaghanap-buhay ang mga residente.

Hinimok naman niya ang mga kababayan na sumunod pa rin sa mga umiiral na panuntunan at maging alerto lalo pa’t mabilis aniya ang transmission ng bagong variant.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *