Crop insurance ng mga magsasakang naapektuhan ng Mt. Bulusan eruption sa Juban, Sorsogon ipinamahagi

SORSOGON CITY—Natanggap na ng mga magsasakang naapektuhan ng pag-alburuto ng Bulkang Bulusan sa bayan ng Juban, Sorsogon ang kanilang crop insurance benefit mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Bicol.

Kahapon nang ipamahagi ng PCIC katuwang ang Municipal Agriculture’s Office Juban ang cheke sa mga benepisyaryong magsasaka mula sa apat na barangay kabilang ang Puting Sapa, Maalo, Buraburan at Calateo.

Ang mga naturang barangay ay ilan lamang sa mga labis na naapektuhan ng ibinugang abo ng bulkang Bulusan noong nakaraang buwan.

Ayon kay Carl Angelo Rodriguez ng PCIC Bicol, maliban sa mga nabanggit na barangay ay may kapareho ring benepisyong matatanggap ang mga magsasaka sa iba pang mga apektadong barangay gaya ng Rangas, Añog at Catanusan.

Pero nilinaw nito na ang nasabing benepisyo ay para lamang sa mga magsasaka na naka insured ang mga pananim sa PCIC.

Ayon naman kay Edwin Bandola ng Juban Municipal Agriculture Office, ito ang mga magsasaka ng niyog at saging na naka insured sa PCIC at nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA).

Pinasalamatan din ng opisyal ang PCIC sa agad na pag release ng nasabing ayuda para sa mga apektadong magsasaka.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *