Deployment ng US missiles sa Northern Luzon para sa Balikatan Exercises, pinaiimbestigahan

Nais ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara na imbestigahan ang umano’y deployment ng US missiles sa Northern Luzon na bahagi ng Balikatan Exercises.

Batay sa House Resolution Number 1688, pinasisiyasat nina ACT Teachers Representative France Castro, Gabriela Representative Arlene Brosas at Kabataan Representative Raoul Manuel ang pagde-deploy ng Typhon missile system kabilang ang Tomahawk Land Attack Missiles para sa Exercise Salaknib 24 at Balikatan joint military exercise.

Tutumbukin sa imbestigasyon ang maaaring epekto ng pagdadala ng US missiles at ang compliance o pagtalima sa constitutional provisions hinggil sa national defense at foreign relations.

Ipinunto ng mga kongresista na hindi lamang ito mapanganib sa buhay ng mga Pilipino kundi kinokompromiso pa ang kapayapaan at stability sa rehiyon.

Ginagawa rin anilang tau-tauhan ang Pilipinas sa agenda ng Estados Unidos para ipakita ang lakas.

Bukod sa nagdudulot ng pangamba sa soberanya at seguridad, labag umano ito sa Konstitusyon dahil lalong titindi ang tensyon at sumasalungat ang hakbang sa Article 2, Section 2 na nagbabasura sa digmaan bilang instrumento ng national policy.

Idinagdag pa ng grupo nina Castro na kwestyonable ang tunay na motibo ng Balikatan dahil hindi pantay ang bilang ng mga kalahok na sundalo at posibleng lumawak pa ang militarisasyon na nagsisilbing banta sa kaligtasan ng mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *