Ilang lugar sa Metro at Mega Manila, pinalawig ang suspensiyon ng f2f classes

Extended ang kanselasyon ng face-to-face classes sa ilang lugar sa Metro at Mega Manila dahil sa pinangangambahang pagtindi ng init sa mga susunod na araw.

Sa Metro Manila, ilang lungsod ang mananatiling suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan hanggang bukas, April 26, 2024.

Ito ay ang lungsod ng Pateros, Parañaque, Navotas, Mandaluyong, Las Piñas, Maynila at Pasay.

Suspendido naman ang in-person classes bukas sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa Malabon habang sa Muntinlupa ay simula kinder hanggang senior high school lamang.

Ipapatupad naman sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ng Bulacan simula elementary hanggang high school ang blended learning simula ngayong araw hanggang sa matapos ang nararanasang init dulot ng El Niño.

Ipinauubaya naman ng Bulacan sa mga pribadong paaralan ang desisyon sa mga hakbang na gagawin sa gitna ng mainit na panahon.

Sa Cavite, siyam na lungsod ang nagdeklara na rin ng suspensyon ng klase bukas sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan.

Ipapatupad ang blended learning bukas sa mga lungsod ng Bacoor, Carmona, Cavite, Dasmariñas, General Trias, Imus, Kawit, Noveleta, at Trece Martires.

Suspendido naman hanggang Sabado, April 27, ang f2f classes sa lahat rin ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa Biñan City at San Pedro City sa Laguna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *