Kaso ng HFMD sa Bicol, sumipa sa 40 sa unang tatlong buwan ng taong 2023 – DOH Bicol

LEGAZPI CITY – Inilatag na ng Department of Health (DOH) Bicol ang kanilang datos tungkol sa kaso ng mga tinatamaan ng hand, foot and mouth diseases sa buong rehiyon ngayong taon.

Kinumpirma ni DOH Bicol, regional HFMD coordinator, Dr. Mildred Tianes sa panayam ng Brigada News FM Legazpi na mayroon nang mahigit 40 na kaso ng HFMD ang rehiyon ngayong taon simula noong Enero hanggang sa kasalukuyang buwan.

Aniya, mayroong 15 sa Albay; 3 sa Camarines Sur; mayroong 25 sa Masbate; habang isa naman sa Sorsogon.

Muli namang binigyang-diin ni Tianes na ang HFMD ay sanhi ng virus na hindi nagagamot ng anti-biotics, dahil ang maaaring makapagpagaling dito ay sapat na pahinga at isolation.

Mabilis umano itong kumalat lalung-lalo na sa mga batang edad 10-pababa dahil sila ang halos parating naglalaro sa labas, kung kaya’t nagiging prone sa iba’t ibang uri ng virus at sakit.

Paalala naman ni Tianes sa mga magulang, kung nakikitaan na nila ng sintomas ang kanilang mga anak ng HFMD katulad ng pangangati ng katawan, lalamunan, lagnat at iba pa, agad itong painumin ng maraming tubig dahil dehydration ang maaaring maging komplikasyon nito, pagpahingahin, at huwag papasukin sa paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *