Lolo, patay sa pananaksak ng nakaalitan sa inuman

SORSOGON CITY – Patay ang isang lolo nang pagsasaksakin ng ka-barangay nito matapos na makaalitan sa inuman sa Brgy Buenavista sa bayan ng Gubat, Sorsogon.

Ang biktima ay nakilalang si Alfonso Espaldon, 75-anyos, magsasaka habang ang suspek ay nakilalang si Nelson Herreras, 54-anyos parehong residente ng nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Gubat MPS, nabatid na dakong alas 5:20 ng hapon noong Linggo nang maganap ang krimen.

Sa pahayag sa Brigada News ng nasabing himpilan ng Pulisya, araw umano ng kapistahan sa nasabing barangay at nagkasalo ang dalawa sa inuman hanggang sa nagkapikunan.

Sa kasagsagan ng argumento, nagbanta umano ang suspek sa biktima na ikinapikon naman ng huli kung kaya’t sinuntok nito ang suspek, subalit ayon sa mga saksi ay naawat naman ang mga ito.

Nang pauwi na ang dalawa ay bigla na lamang inundayan ng saksak sa tiyan ng suspek ang biktima gamit ang isang ‘ginunting’ o itak na ang dulo ay parang dulo ng gunting.

Hindi pa nakuntento ang suspek dahil nang bumagsak sa lupa ang biktima ay pinagsasaksak pa ito ng ilang beses sa ibat-ibang bahagi ng katawan nito.

Nahuli naman agad ang suspek sa ikinasang hot pursuit operations ng mga pulis.

Nahaharap na si Herreras sa kasong murder sa pamamagitan ng inquest proceedings kahapon ng umaga, Mayo 16.

PHOTO: Image only of ‘Ginunting’/Google

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *