Malaya Rice Project, ilulunsad ng Kamara at DSWD upang magbigay ng bigas at ayuda sa mahihirap

Mamamahagi ang Kamara at ang Department of Social Welfare and Development ng bigas at financial assistance sa 2.5 million individuals sa susunod na dalawang linggo.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, tatawagin itong “Malaya Rice Project” alinsunod sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos na gawing abot-kaya at de-kalidad ang bigas sa mamamayan lalo na sa mga nangangailangan.

Sa utos ng pangulo, magsisimula ang proyekto sa Metro Manila sa pakikipagtulungan ng tatlumpu’t tatlong kongresista at ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Paliwanag ni Romualdez, pinatutukoy na niya sa mga kapwa-kongresista ang sampung libong mahihirap na residentengh tatanggap ng bigas kabilang ang senior citizens, solo parents at persons with disability.

Ang bawat benepisiyaryo ay bibigyan ng tig-isanlibong piso at labinlimang kilo ng bigas na nagkakahalaga ng limandaan hanggang animnaraang piso.

Kinumpirma rin ng House Speaker na gagamitin ang naturang mekanismo para bilhin ang palay ng mga magsasaka upang bumuti ang presyuhan hindi lamang para sa consumers.

Hindi umano ito isang beses lamang gagawin dahil kapag naging matagumpay ay magkakaroon pa ng susunod na rounds ng distribusyon sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Bukod sa Metro Manila, target ng Kamara na ipatupad ang Malaya Rice Project sa Metro Cebu, Davao at maging sa rice producing areas para naman sa pagbili ng palay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *