Pagiging sanhi ng mga medical waste sa COVID-19 transmission, wala pa umanong sapat na ebidensya ayon sa eksperto

BNFM BICOL– Wala pang matibay na ebidensya na nagpapatunay na ang mga medical o health care waste ay nagiging sanhi ng pagkahawa ng sakit gaya ng COVID-19.

Ito ang inihayag ni Ramon San Pascual – Executive Director ng Heath Care without Harm Asia.

Sa isang panayam, sinabi ni San Pascual na ang pinaka direkta at karaniwang  paraan ng COVID-19 transmission ay ang mga ‘body portals o gateways’ sa katawan ng tao gaya ng bibig at ilong.

Inihalimbawa din ng doktor ang isang facemask na hindi maayos na naitapon matapos gamitin ng isang COVID positive patient.

Aniya, hindi ito makakahawa o magiging sanhi ng transmission sakali mang naitapon sa dagat bagkus ang delikado ay ang naging journey nito bago nakarating sa isang lugar.

Ginawa ni San Pascual ang pahayag makaraang maiulat ang umano’y pagpopositibo sa COVID-19 ng pitong mga bata sa Brgy. Concepcion bayan ng Virac, Catanduanes matapos umano ng mga itong paglaruan ang mga itinapong medical waste ng isang laboratoryo sa baybaying bahagi ng lugar.

Ganunpaman, ipinaalala ng opisyal ang tamang pagtatapon ng mga medical at infectious waste alinsunod sa alituntunin ng DOH at solid waste management.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *