Palasyo, bukas sa magsama sina Robredo at Duterte sa isang infomercial

Bukas ang Palasyo sa ideya na magsama sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa isang infomercial na magpapaalala sa mga Pilipino na magpabakuna kontra COVID-19.

Una na rin pumayag ang Bise Presidente na makasama ang Pangulo sa infomercial.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkaiba ang preferences nina Duterte at Robredo sa mga bakuna at iba pang mga isyu.

Ipinunto ni Roque na matagal nang kinukwestyon ni Robredo ang efficacy ng Chinese-made vaccines habang ang Pangulo naman ay mas isinusulong ito kumpara sa mga bakuna na dinivelop ng Western countries.

Ayon kay Roque, hindi niya nakikita na ieendorso ni Robredo ang lahat ng brand ng bakuna, ngunit kung kaya ito gawin ng Bise Presidente, ay posible anya ang pagkakaroon ng joint infomercial.

Hinamon naman ni Roque si Robredo na tanggapin na ang lahat ng bakuna kontra COVID-19 na available sa bansa ay pantay-pantay lang pagdating sa pag-iwas sa severe cases ng virus.

Binigyang diin naman ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez na matagal nang bukas ang Bise Presidente sa lahat ng efforts para lalong mahikayat ang mga Pilipino na magpabakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *