Price ceiling, mahirap ipatupad – Batangas City retailers

Kasabay ng pagsisimula ng pagpapatupad sa itinakdang price ceiling sa bigas, nanindigan ang ilang mga retailer sa Lumang Palengke sa Batangas City na hindi sila basta-basta makakasunod sa naturang patakaran.

Ayon kay Elmer Fabul, isa sa mga magtitinda ng bigas sa palengke, pagdating sa presyo ay magdedepende pa rin daw sila sa mga wholesaler at supplier.

Kung mananatili aniyang mahal ang kuha nila sa bigas sa mga supplier, mananatili ring mataas ang pagbebenta nila nito.

Pero sa oras naman daw na bumalik na sa normal ang presyo ng bigas, agad din naman nilang ibaba ang presyo nito.

Ibinigay na halimbawa ni Fabul na ang pinakamurang presyo na nakukuha nilang bigas mula sa supplier ay P1,230 kada kilo at kung ibebenta nila ito ng P41 pesos lamang, lugi pa aniya sila ng P75.

Aniya, kung ganoon ang mangyayari, hindi na lamang sila magtitinda dahil pagod lang ang kanilang mapapala.

Ayon pa sa isang retailer, ang mga natitirang stock sa ngayon ay ibebenta pa rin nila sa mahal na presyo ngunit sa oras na bumaba na muli ang kuha nila sa supplier ay sa mas murang halaga na rin nila ito ipagbibili.

Nabatid na batay sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., simula ngayong araw, epektibo na ang price ceiling sa bigas kung saan pinakamura na sa regular-milled rice ay ang P41 habang P45 naman sa well-milled rice.

Malayo ito sa kasalukuyang presyo na naglalaro sa P50 hanggang P55 ang sinandomeng habang ang dinorado naman ay naglalaro simula P55 hanggang P60.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *