Provincial government ng Catanduanes, may paalala sa mga APOR at essential travelers na papasok sa lalawigan

BICOL—May paalala ang Provincial Local Government Unit of Catanduanes sa lahat ng mga APOR at essential travelers na tutungo sa probinsiya hinggil sa umiiral na S-PaSS system.

Ayon sa PLGU, upang hindi magkaroon ng anumang aberya sa alinmang port of entry papasok ng isla, siguraduhin munang naaprubahan na ang kanilang Travel Coordination Permit o TCP.

Mahigpit kasing pagbabawalan na makapasok sa lalawigan ang mga biyaherong walang S-PaSS account at walang maipapakitang TCP na aprubado ng mga border control personnel.

Matatandaan na sa naturang S-PaSS account ay ire-rehistro online ng mga biyahero ang ilan sakanilang impormasyon katulad ng pangalan, contact number, lugar na pinanggalingan, destinasyon, pakay ng pagpunta sa isla at iba pa.

Layunin nito na mapabilis ang contact tracing kung sakali man na may biyaherong nag positibo sa COVID-19 na pumasok sa Catanduanes.

Kaugnay nito, muli ring ipinaalala ng pamahalaang panlalawigan na tanging mga APOR at Essential Travelers lamang muna ang pinapayagang makapasok ngayon sa lalawigan dahil sa GCQ with heightened restrictions na nakabandera ngayon sa NCR at mga karatig na lugar gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Pag-unawa naman ang hingi ng PLGU sa lahat ng mga residente sa probinsiya na nasa labas ngayon ng isla at nais umuwi ngunit hindi pa pinahihintulutan dahil tanging ang seguridad lamang ng mas nakararami ang kanilang isinasaalang-alang sa naturang polisiya. ###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *