Top 15 Most Wanted Person ng Batangas, arestado sa Parañaque City

Arestado ang tinaguriang Top 15 Most Wanted Person ng Batangas sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Parañaque City, Metro Manila.

Kinilala ang suspek na si Vez Nathaniel Sunga alyas Lucky, 34 anyos at residente ng Tondo, Metro Manila. Ayon sa imbestigasyon, naaresto ang nasabing suspek matapos na madakip ito sa isinagawang operasyon ng Parañaque City Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi ng Mayo 31.

Ang suspek ay tumatayong lider ng “Lucky Robbery and Kidnapping Criminal Group of Muntinlupa City” na siya ring suspek sa mga serye ng nakawan ng iba’t ibang sangay ng Alfamart sa probinsya ng Batangas partikular na sa Lungsod ng Lipa, Tanauan, at bayan ng Lian.

Responsable rin ang naturang grupo sa mga serye ng pagnanakaw sa Alfamart convenience stores sa Muntinlupa, Las Piñas at ang pinakahuli ay sa Meliton Espiritu Compound, Brgy. San Antonio, Parañaque kung saan tuluyang nasakote ang suspek at 2 pang miyembro nito.

Inihain ang warrant of arrest ng pinagsamang pwersa ng Provincial Intelligence Unit-Batangas PPO, Regional Intelligence Unit 4A- Batangas Provincial Intelligence Team, 1st Batangas Pronvincial Mobile Force Company, Lipa City Police Station at ng Tanauan City Police Station.

Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang suspek at mahaharap sa dalawang kaso ng Attempted Homicide sa ilalim ng Revised Penal Code Article 249 na iniisyu mula sa Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region, Br. 111, Muntinlupa City noong Pebrero 7, 2022.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *