Ama, arestado sa panggagahasa sa 15 anyos na anak sa Batangas city

Arestado ang isang ama matapos na isuplong sa awtoridad ng kanyang 15-anyos na anak dahil sa umano’y panggagahasa ng makailang beses sa kanya sa isang barangay sa Batangas City.

Sa nakuhang impormasyon ng Brigada Batangas sa Batangas City Police Station, ang biktima ay ilang beses na ginahasa ng kanyang ama mula pa noong 2019.

Dahil sa takot ay hindi nagsusumbong ang dalaga at itinago ito sa kanyang ina at sa buong pamilya.

Nagpatuloy umano ang panggagahasa ng suspek sa kanyang sariling anak hanggang sa nakaisip ang dalaga na lumayas.

Ngunit kamakailan ay bumalik sa kanilang bahay ang biktima dahil sa pangungulila nito sa kanyang pamilya.

Dito na umano naulit ang ginagawang kahalayan ng ama sa kanyang sariling anak.

Hanggang sa nitong nakaraang linggo ay naglakas loob na ang dalaga na isumbong sa kanyang ina ang pangyayari at idinulong ito sa mga awtoridad.

Tuluyang naaresto ang ama at nakakulong ngayon sa custodial facility ng Batangas CPS.

Nahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 8353 o Anti-Rape Law of 1997.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *