Comelec tuloy- tuloy ang paghahanda sa halalan sa kabila ng mga pagbabago sa COVID- 19 restrictions

CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Commission on Elections na tuloy- tuloy ang paghahanda para sa May 2022 elections sa kabila ng mga pagbabago sa ipinatutupad na COVID- 19 restrictions.

Nasa ilalim ngayon ng Alert Level 3 ang Camarines Norte at may ilang mga paghihigpit na ipinatutupad ang Inter Agency Task Force at ang Incident Management Team.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau inihayag nito na hindi pwedeng matigil ang kanilang paghahanda at kailangang sundin ang work plan para sa darating na halalan.

Sa ngayon umano ay nagpapatupad sila ng alternative work arrangement bilang pagtalima sa kautusan ng IATF at ng nakatataas na opisina.

Nakatutok umano ngayon ang komisyon sa checkpoint at pagpapatupad ng gun ban katuwang ang Philippine National Police.

Ang ginagawa umano ngayong mga checkpoint ay “mind setting” na rin daw sa mga tao upang makita ng mga ito ang kahalagahan ng disiplina at huwag gawin ang mga ipinagbabawal sa panahong ito.

“Kasi hinahanda na yung parang “mind setting” ba yan na inihahanda ang tao na bawal magdala ng nakamamatay na armas, bawal maglabas ng mga ganito, bawal maging ganyan, kasi election period na. “ ani Abanes.

“Gustong sabihin talagang pinaghahandaan siya, hindi lang sa lebel ng kapulisan, lahat ng stakeholder, botante, mga guro lahat tayo, kandidato.”

Abala rin daw sa ngayon ang Comelec sa mga paper works at pag aayos ng mga listahan ng mga magsisilbi sa eleksyon lalo na ang Electoral Boards, DESO support staff at magkakaroon din ng exam sa technical support staff.

Ginagawa rin aniya ang mga ganitong paghahanda bago pa man magkaroon ng balasahan sa hanay ng mga Election Officer na mangyayari ngayong linggong ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *