Construction worker, patay sa pamamaril sa Batangas

Patay ang isang construction worker matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Palahanan 2nd, San Juan, Batangas.

Kinilala ng San Juan Municipal Police Station ang biktima na si Marvin Tejada y, Felarca, 30-anyos, residente ng Brgy. Mabalanoy ng nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas 5:30 ng hapon noong ika-7 ng Setyembre nang mangyari ang insidente kung saan habang naglalakad ang biktima pauwi galing sa bahay ng kanyang kaibigan nang walang ano-ano’y binaril siya ng hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang itim na motorsiklo.

Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nagresulta nang agarang pagkamatay nito.

Agad namang nakatakas ang naturang suspek na patuloy na pinaghahahanap ng mga awtoridad.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng kalibre 45 na baril.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas sa San Juan MPS, batay raw sa pahayag ng pamilya ng biktima, wala silang alam na gagawa nito sa kanilang kaanak.

Wala namang CCTV sa pinangyarihan ng insidente at wala rin umanong nakasaksi sa naturang pangyayari.

Sa ngayon patuloy pa rin ang imbestigasyon ng nasabing himpilan ukol sa naganap na pamamaril.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *