Daan-daang katoliko sa Camarines Norte nakiisa sa ginawang Diocesan Way of the Cross nitong Ash Wednesday

CAMARINES NORTE – Nakilahok ang daan- daang katoliko sa Camarines Norte sa ginawang Diocesan Way of the Cross nitong Ash Wednesday na ginanap dito sa bayan ng Daet.

Ito ang unang pagkakataon na ginanap muli ang tradisyong ito sa Diocese of Daet pagkalipas ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Bago ang Daan ng Krus ay nagkaroon muna ng concelebrated Mass sa Paroqquia De San Juan Bautista na pinangunahan ni Fr. Ronald Anthony Timoner, ang Vicar General ng Diocese sa presensya ni Bishop Rex Andrew Alarcon at mga kaparian.

Sa kaniyang homily ipinunto ni Fr. Timoner ang tatlong mahahalagang bagay patungkol sa pagsasagawa ng Daan ng Krus.

Aniya, ang pagtahak sa daan ng krus ay  hindi lang tungkol sa ating sarili kundi sama- samang paglalakbay kasama ang kapwa na tinatawag na synodality.

Ito rin umano ay ang daan ng pasasakripisyo sa mga nagawang kasalanan ng tao at magdadala sa atin  pabalik sa Panginoon.

Nagsimula ang Daan ng Krus sa nabanggit na simbahan patungo sa Holy Trinity Cathedral na dumaan sa mga pangunahing lansangan ng Daet.

Kasama sa Daan ng Krus ang mapaghimalang imahen ng Poong Nazareno ng Capalonga.

Ang 14 na istasyon sa Daan ng Krus ay isinadula sa halip na tradisyunal na imahe ng santo.

Ipinaalala naman Bishop Alarcon sa mga mananampalataya na ngayong panahon ng kuwaresma ay dapat paigtingin ang pananalangin at gawin ang pag- aayuno at kawangggawa.

Ang paglalagay umano ng abo sa noo ay tanda ng pagsisisi  sa mga kasalanan at pagpapakumbaba.

Ang kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda sa pagunita ng pagsasakrapisyo, kamatayan at pagkabuhay na mag- uli ni Jesus na tinatawag na paschal mystery.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *