Kamara, tiniyak na mapopondohan ang irrigation system sa Iloilo sa gitna ng epekto ng El Niño

Siniguro ni Speaker Martin Romualdez na maglalaan ang Kamara ng pondo para matapos ang irrigation system project sa Iloilo na makatutulong upang mapatubigan ang libu-libong ektarya ng taniman at madagdagan ang suplay ng kuryente sa lalawigan.

Sa briefing ng mga opisyal ng National Irrigation Administration sa Iloilo City, sinabi ni Romualdez na popondohan ng Mababang Kapulungan ang Jalaur River multi-purpose dam and irrigation system project na pakikinabangan ng nasa dalawampu’t limang libong magsasaka at mahigit apat na libong indigenous families.

Bahagi aniya ito ng programa ni Pangulong Bongbong Marcos upang matiyak na mayroong pagkain lalo na ang bigas sa bawat pamilya.

Paliwanag ng Speaker, makatutulong ang proyekto sa pagpaparami ng produksyon ng bigas sa Iloilo na isa sa pangunahing rice producers ng bansa.

Susuportahan din umano ang mga magsasaka sa ibang inputs tulad ng binhi, fertilizer at farm equipment at magtatayo ng farm-to-market roads.

Giit pa nito, mahalaga ang pagtatayo ng irrigation systems lalo na sa panahon ng El Nino.

Sa kasalukuyan ay 74.31 percent nang kumpleto ang Jalaur River Multi-Purpose Project Stage II na inaasahang makalilikha ng 6.6 megawatts hydroelectric power at makapagsusuplay ng walumpu’t anim na milyong litro ng tubig kada araw sa Iloilo City at karatig-lugar.

Bukod kay Romualdez, dumalo sa briefing ng NIA si First Lady Liza Araneta-Marcos at ilang mga miyembro ng Kamara.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *