LTO REGION 2, kinumpirma na mayroon nang mga personalidad na nahuli ukol sa paggawa ng pekeng lisensya

Kinumpirma ng Land Transportation Office Region 2 na mayroon nang apat na katao ang nahuli at kinasuhan dahil sa pagbebenta ng pekeng lisensya.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay LTO Region 2 Assistant Regional Director Manuel Baricaua, sa isinagawang enforcement activity ng LTO Region 2 katuwang ang PNP ay nahuli ang mga tinaguriang fixer nito lamang buwan ng Marso at kasalukuyan ang isinasagawang imbestigasyon dito.

Aniya, napag-alaman din na mayroon umanong contacts ang mga nahuli sa labas ng rehiyon kaya’t patuloy na minomonitor ng ahensya ang kaso.

Modus umano ng mga fixer na hikayatin ang mga gustong kumuha ng lisensya sa pamamagitan ng pagpost sa kanilang facebook account at sinasabing sila na mismo ang bahala sa buong transaksyon upang magkaroon ng driver’s license.

Nilinaw naman ni Asst. RD Baricaua na ang LTO lamang ang nagbibigay ng lehitimong lisensya at hindi konektado ang kanilang ahensya sa anumang facebook page o account na nag-aalok ng madaling pagkuha ng driver’s license kapalit ng pera.

Samantala, bagaman walang natatanggap ang LTO RO2 ng reklamo ukol sa mga pekeng lisensya ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang kampanya at imbestigasyon upang mahuli ang mga fixer at mawakasan ang talamak na pagbebenta ng pekeng lisensya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *