Mga bata at matatanda hindi papayagang sumama sa Fluvial Procession ni San Antonio De Padua ngayong hapon

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Philippine Coast Guard na hindi papayagan ang mga bata at matatanda na sumama sa fluvial procession o “Karakol” sa karangalan ni San Antonio de Padua ngayong hapon na gagawin sa karagatan ng Mercedes, Camarines Norte.

Sa panayam ng Brigada News Daet sinabi ni Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, sub station commander ng Coast Guard Mercedes na batay sa napagkasunduan sa meeting kasama ang mga kinatawan ng simbahan ay hidni umano papayagang sumakay s abangka o sumama sa Karakol ang mga bata at matatanda.

Mahigpit din umanong ipapatupad ang health protocols at social distancing bilang pag- iingat sa Covid- 19.

Ayon kay Rosales nasa 28 bangka ang nakalistang lalahok sa Karakol pero inaasahan umano nila na madaragdagan pa ito.

Pinaghahandaan na rin ng Coast Guard ang pagsaway sa mga lasing na sumasama sa fluvial procession na madalas ay makukulit.

Magdi- deploy ng floating asset ang Coast Guard habang nakahanda naman umano ang rescue vehicle ng MDRRMO.

Katuwang din sa pagtitiyak ng kaayusan sa fluvial procession ang local at maritime police.

Ito ang unang pagkakataon na muling gagawin ang fluvial procession sa Mercedes sa kapistahan ni San Antnio De Padua makalipas ang dalawang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.

“Nakikusap po kami sa mga sasama sa fluvial mamaya huwag niyo na ipilit na isama yung mga bata yung matatanda kasi po hindi po talaga pupwede yun baka po magkahiyaan lang tayo pag sinita namin kayo,” ani Rosales.

Inaasahang magsisimula ang fluvial procession ala una ng hapon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *