NTF-ELCAC hindi nagustuhan ang ‘red-tagging’ remark ni DOJ Sec. Guevarra

Hindi nagustuhan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naging pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra matapos nitong sabihin na delikado ang pagre-red tagged sa ilang indibidwal at grupo.

Sinabi kasi ni Guevarra na imbes na mag-label ng mga tao bilang mga miyembro ng terorista o kumunista dapat sampahan na lamang ng kaso ang mga ito kung mayroon naman sapat na ebidensiya kesa ipangalandakan pa dahil naglalagay lamang ito ng panganib sa buhay ng tao.

Buwelta naman ni NTF ELCAC Spokesperson Undersecretary Lorraine Marie Badoy ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho upang tukuyin ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF na hangang ngayon ay hindi pa rin umaamin sa kabila na alam nila sa kanilang sarili na sila ay mga terorista.

Wala din umanong nagaganap na ‘red-tagging’ dahil ginagamit lang ito ng CPP-NPA-NDF upang pigilan ang unti-unti nang pagkahubad ng mga maskara ng kanilang mga miyembro.

Dismayado naman umano ang task force sa kalihim dahil sa tila pagiging ignorante nito sa Supreme court ruling kung saan sinasabing wala naman buhay ang nalalagay sa alanganin sa pagtukoy sa mga miyembro ng CPP NPA NDF.

Iginiit naman ni Badoy na patuloy nilang gagampanan ang kanilang trabaho upang tuluyan sawatain ang CPP-NPA lalo na ngayong alam nila na kasama nila sa laban ang sambayanang Pilipino.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *