P1.8B halaga ng asukal, nabisto sa isang bodega sa Batangas

Nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang libu-libong sako ng imported at lokal na asukal na tinatayang aabot sa ₱1.8 bilyon ang halaga sa isang bodega sa Barangay Lumbangan, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa BOC, katuwang ang AFP at PNP-CIDG ay kanilang nabisto ang nasa 181,299 na sako ng imported na refined sugar mula Thailand at 197,590 na sako ng lokal na asukal sa bodega ng Central Asucarera Don Pedro nitong nakaraang Linggo, Setyembre 4.

Ang bawat sako ay nasa 50 kilo ang timbang.

Dala ng BOC ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) sa isinagawang operasyon.

Ayon sa ahensya, patunay ang libu-libong sako na walang kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa.

Ini-refer na ng Customs ang mga nadiskubreng asukal sa Sugar Regulatory Administration para malaman kung mayroong hoarding na nangyari.

Sa ngayon ay isinara muna ang bodega habang isinagawa ang imbestigasyon

Binigyan ng 15 araw ang may-ari ng bodega para patunayang legal ang kanilang naka-imbak na mga suplay ng asukal.

Pahayag ng ahensya, ito na ang maituturing na pinakamalaki nilang operasyon magmula nang simulan ang pagsasagawa ng inspeksyon ng mga bodega nitong Agosto

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *