Pagbabakuna sa mga Senior Citizen at may comorbidities sa bayan ng Mercedes, sisimulan na ngayong Lunes

MERCEDES, CAMARINES NORTE – Magkakaroon muli ng COVID-  19 vaccination ngayong araw sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na gaganapin sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) building sa Brgy. San Roque.

Ito ang inanunsiyo ng Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Health Office (MHO) sa kanilang official social media account.

Ayon sa MHO, ang babakunahan ay ang mga pangalan na kabilang sa masterlist na isinumite ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERTs), mga hindi pa nabakunahang frontliners, senior citizens o Mercedenos na 60 anyos pataas, at ang mga pasyenteng may comorbidities  tulad ng highblood, diabetes, sakit sa bato at iba pa.

Ang mga babakunahan ay kinakailangan lang na magdala ng valid ID, medical certificate para sa mga pasyenteng may comorbidities, senior citizens ID o dokumentong magpapatunay na 60 anyos o higit pa ang edad.

Kinakailangan ding nakasuot ng face mask at face shield ang mga magpapabakuna at mas mainam kung may dalang alcohol o hand sanitizer.

Mayroon ding nakatalagang oras ang mga babakunahan kung saan mauuna ang Brgy. San Roque at Del Rosario, alas 8 hanggang alas 10 ng umaga, susundan ng Brgy. 1- 3, alas 10 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali at sa hapon naman ay ang Brgy. 4- 7.

Ipinapayo rin sa mga senior citizens na mas mabuti kung may kasamang kapamilya na aalalay at bago magtungo sa vaccination site ay makipag ugnayan muna sa barangay Health Center o sa mga nakatalagang nurses o midwife.

Hindi babakunahan ang mga pangalan na hindi kabilang sa masterlist ng barangay na isinumite sa MHO.

Kung maalala ay inanunsiyo ng Provincial Health Office (PHO) noong nakaraang Linggo na kasama na ang A1 (senior citizens) at A2( mga taong may comorbidities) sa mga babakunahan simula ngayong buwan.

Noong Biyernes sa isinagawang Operation Period Briefing muling nag abiso si acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa mga Rural Health Units na magsimula nang maglista ng mga senior citizens at mga may comorbidities sa kani- kanilang barangay dahil mayroong 2, 800 vaccines na dumating para sa kanila.

Samantala, ang mga A2 at A3 na hindi stable ang kundisyon ay sa ospital babakunahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *