Pagkakaisa at disiplina, ipinanawagan ng gobernador ng Catanduanes bunsod ng lumulobong kaso ng COVID-19 sa isla

BICOL—Dahil sa pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Catanduanes nitong mga nakalipas na araw, muling nanawagan ng pagkakaisa at disiplina sa publiko ang gobernador ng lalawigan na si Gov. Joseph Cua.

Batay sa facebook post ng gobernador, umaapela ito sa lahat na sundin ang mga travel guidelines na ipinapatupad sa islang lalawigan.

Ipinaalala din ng opisyal na tanging ang mga APOR lamang na nakalista sa Omnibus Guidelines ng IATF ang pinahihintulutang makapasok sa probinsiya gaya ng mga nagdadala ng relief at medical supplies, mga medical frontliners at iba pa. Ipinagbabawal din ang anumang uri ng pagtitipon, tulad ng fiesta at birthday parties dahil madalas aniya itong nagiging sanhi ng hawaan.

Patuloy din umanong sundin ang mga ipinatutupad na minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face masks at face shield at ang pag obserba sa social distancing.

Sa huli, hiningi ng gobernador ang pakikiisa at pagtutulungan ng lahat sa laban ng probinsiya kontra sa pandemya dahil aniya’y hindi kakayanin ng mga ospital at ng mga quarantine facilities sa lalawigan kung patuloy pang dadami ang mga tatamaan ng COVID-19.##

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *