Pagtaas ng bayarin sa kuryente sumalubong sa mga kunsomidores ng Canoreco ngayong buwan

CAMARINES NORTE – Natuldukan na ang ilang magkakasunod na buwan ng pagbaba ng singil sa kuryente.

Ito ay makaraang ianunsiyo ng Camarines Norte Electric Cooperative nitong Biyernes, September 8, na bahagyang tumaas ang August 2023 billing na babayaran ngayong buwan.

Ayon sa Canoreco nagkaroon ng bahagyang pagtaas na Php 0.2800 per kWh ang August 2023 Rate. Ang residential rate ngayon ay Php 11.1388 per kWh kumpara sa Php 10.8588 per kWh noong nakaraang July 2023 billing.

Ang low voltage rate naman ay Php 10.6698 per kWh at ang high voltage rate ay Php 9.2500 per kWh.

Dahil sa bahagyang pagtaas ng billing rate ay madadagdagan ng Php 28.00 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na kumukunsumo ng 100kWh.

Nasa Php 56.00 naman ang madadagdag sa mga kumukunsumo ng 200kWh at  Php 84.00 sa mga kumukunsumo ng 300kWh.

Gayunman, kahit tumaas ng bahagya ang August  billing rate  ay mayroong ipinatupad na one-time refund sa bisa ng Energy Regulatory Commission (ERC) Resolution 14, Series 2023 noong Hulyo kaya makikitang bumaba rin ang rate ng August 2023 ng Php 0.5112 per kWh.

Bumaba naman ang Generation System Charge na resulta ng mas mababang Blended Generation Rate at dahil na rin sa diskwento na na-avail mula sa ating Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng May 2023.

Bumaba rin ang average rate sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa pagbaba ng average na demand sa merkado ng 2.18%.

Dahil naman ito sa naranasang tag-ulan at malamig na panahon na dala ng Southwest Monsoon sa lahat ng araw ng July 2023 sa Luzon at Visayas.

Pinalala pa ito ng matinding tropical storm “Dodong” at sama ng panahon na dala ng bagyong “Egay.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *