Sorsogon health officials nagpulong re: Covid surge

SORSOGON CITY – Dahil sa tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Sorsogon, nagpulong ang mga health officials sa pangunguna nina Provincial Health Officer Dr. Renato Bolo Jr.  at  Provincial DOH Officer Dr. Gladys Escote.

Tinalakay nila ang plano sa pagpapaigting ng kampanya laban sa muling pagtaas ng Covid -19 cases sa probinsya kabilang na rito ang pagpapanatiling nasusunod ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, social distancing lalo na sa pampublikong lugar, regular na paghuhugas ng kamay at iba pa.

Sa pahayag ni Dr. Escote, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng agad na pagsasailalim sa antigen test kung mayroong nararamdamang sintomas at pag-abiso sa mga kinauukulan sakaling magpositibo sa COVID-19 upang makapagsagawa ng contact tracing at maiwasan ang pagkalat nito.

Anya pa, mahalaga ring sundin ang nararapat na pag-quarantine at isolation upang masiguro ang kaligtasan ng mga kasama sa tahanan o trabaho.

Binigyang pansin din sa pagpupulong ang estado ng COVID-19 vaccination ng lalawigan na sa kasalukuyan ay mababa pa rin lalo na sa booster shot, kung kaya’t hinikayat ng mga health officials ang mga health care workers at mga oipisina na mas paigtingin ang kampanyang ginagawa patungkol sa pagbabakuna.

Sa mensahe naman ng gobernador ay pinuri nito ang mga health care workers sa lalawigan sa pagseserbisyo ng mga ito kasabay ng pangako na patuloy niyang susuportahan ang anumang adhikain ng mga ito.

Samantala sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa lalawigan na ngayon nga ay pumalo na sa 50 ang aktibong kaso ay hindi naman nakikita ng mga health officials ang pangangailangan ng pagpapatupad ng lockdown katulad noong taong 2020 at 2021.

Mababatid na kahapon ay anim ang mga bagong kasong nadagdag kung saan tigdadalawa ang lungsod ng Sorsogon, bayan ng Prieto Diaz at bayan ng Gubat. Dalawa sa mga nasabing kaso ay health care workers.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *