Usapin sa posibilidad ng pagkakaroon COVID- 19 dedicated cemetery sa Camarines Norte nabuksan

CAMARINES NORTE – Nabuksan ang usapin hinggil sa posibilidad ng pagkakaroon ng COVID – 19 dedicated cemetery sa lalawigan ng Camarines Norte.

Yan ay sa gitna na rin ng problemang kinakaharap ng ilang mga Lokal na Pamahalaan sa paglilibing ng mga namatay dahil sa COVID- 19.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet, kinumpirma ni Mayor Adrian Davoco, Pangulo ng Inter- Local Health Zone sa Ikalawang Distrito na una umano itong napag usapan sa nakaraang pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) noong Hunyo.

Ilan kasi umano sa mga munisipyo ay hirap sa paghahanap ng mapaglilibingan lalo na at kailangang sa loob ng 12 oras ay mailibing agad.

Kailangan rin muna na makipag ugnayan sa Simbahan kung ililibing sa Catholic cemetery o sa may ari ng mga pribadong sementeryo.

Posibleng mapag usapan uli umano ang bagay na ito sa gagawing pagpupulong ng Liga sa katapusan nitong buwan.

“Siguro mapag uusapan namin yan in-depth kasi naipalabas lang yan, parang napahapyawan lang yan due to the problem nga dun sa mga experience ng mga Local Government Units, baka sa sususnod po na pa- meeting this coming July 30 makapag usap kami ulit about diyan,” ani Davoco

Ayon naman kay acting Provincial  Health Officer Dr. Arnel Francisco, hindi nakikialam ang Provincial level sa mga ganitong usapin ng mga munisipyo.

Pero responsibilidad aniya ng bawat LGU na siguruhing may nakalaang paglilibingan ang mga namatay sa COVID- 19.

Bagamat hindi naman daw inoobliga ng probinsiya ang mga LGU na magkaroon ng COVID dedicated cemetery ay mas mainam pa rin daw kung mayroon upang hindi na mahirap sa paghahnap ng paglilibingan.

“Ang hirap maghanap ng mga public cemetery na ngayon, siyempre may kamahalan dapat talaga sila maghanap na sila kung gusto nila by District maghanap sila ng paglalagyan para once and for all hindi sila mahirapan sa paglilibing sa kanilang mga pasyente,” ani Francisco

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *