2 nagnakaw ng cellphones, arestado dahil sa Google tracker sa Quezon

Kalaboso ang dalawang lalaking tumangay umano ng mga cellphones ng isang pamilyang natutulog sa Brgy. Malinao Ibaba, Atimonan, Quezon.

Kinilala ng Quezon Police Provincial Office ang mga suspek na sina Ricky Pabilonia Anonuevo, 23 anyos, residente ng Brgy. San Angustias, Zone 3, Tayabas City at Dennis Saberola Ibarrola, 28 anyos at residente ng Brgy. San angustias, Zone 2, Tayabas City.

Sa impormasyong ipinaabot ng Quezon PPO sa Brigada News FM Batangas, idinulog umano ng isang pamilya sa Atimonan Municipal Police Station ang pagtangay ng kanilang apat na mga cellphones na naka-charge sa kanilang sala dakong 1:30 ng umaga noong Setyembre 2, 2022.

Bago matulog ay iniwan umano ng mga biktima ang kanilang cellphone na naka-charge sa sala at nang gumising ang isa sa kanila ay nadiskubreng nawawala na ang kanilang mga gamit.  

Dahil sa paniniwalang tinangay ang kanilang mga cellphones ng mga hindi nakikilalang magnanakaw ay tinrack nila ito sa pamamagitan ng Google Tracker.

Dito lumabas na ang lokasyon ng kanilang mga cellphones ay medyo malapit pa kaya sinubukan nila itong habulin at puntahan ang lokasyon.

Ngunit ng hindi na mahabol ay bumalik ang mga biktima at dumiritso sa Atimonan MPS at doon na-track na nasa Tayabas City na ang mga suspek.

Sa ikinasang follow-up operation ng pinagsanib ng puwersa ng Atimonan MPS at Tayabas CPS at sa koordinasyon ng mga opisyal ng barangay ay natunton ang kinaroroonan ng mga suspek.

Narekober sa dalawa ang tinangay na mga cellphones na kinabibilangan ng dalawang Realme, isang Oppo at Redmi unit.

Naibalik na ito sa mga biktima at nagpasalamat sa mga awtoridad.

Nahaharap sa kasong Theft ang mga naarestong suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *