Binabantayang LPA kahapon, ganap nang isang bagyo #GoringPH

Ganap nang naging bagyo ang low pressure area na mino-monitor sa silangan ng Cagayan.

Pinangalanan ito ng PAGASA na Tropical Depression Goring – ang ikapitong bagyo na pumasok sa bansa, at unang bagyo ngayong buwan ng Agosto.

Huling namataan ito sa layong 405km silangan ng Calayan, Cagayan.

Dala nito ang maximum sustained winds na 55km/h at bugsong aabot sa 70km/h.

Paliwanag ng weather bureau, kakaiba ang magiging pagkilos ng bagyo, dahil mayroon itong looping track o gagawa ito ng pag-ikot na galaw.

Ibig sabihin, sa susunod na 12 oras ay kikilos ito pa-hilaga, at sa mga susunod na araw ay kikilos naman ito pa-timog.

Inaasahang magiging tropical storm ito bukas, at typhoon catergory na pagsapit ng Lunes.

Maliban dito ay may namataan pang bagyo sa malayong parte ng kalupaan, at natagpuan ito sa layong 2,900km silangan ng Northern Luzon.

Ayon sa PAGASA, wala itong direktang epekto sa magiging panahon sa bansa.

Samantala, makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan ngayong araw ang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dahil sa trough ni Tropical Depression Goring.

Kaparehong panahon din ang mararamdaman sa bahagi ng Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at BARMM dulot pa rin ng habagat.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, asahan ang katamtaman hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mga pag-ulan dala ng pinagsamang epekto ng habagat at localized thunderstorms.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *