Casualty ng Bagyong Jolina sa Bicol umakyat na sa 3; 11 sa 14 na nawawala, narescue sa iba’t-ibang lugar

(UPDATE) BICOL—Umakyat na sa tatlo ang naitalang casualty sa pananalasa ng Bagyong Jolina sa Bicol region nitong Setyembre 7 kung saan labis nitong naapektuhan ang islang lalawigan ng Masbate.

Sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), nadagdag sa bilang ng mga nasawi ang 3-anyos na batang lalaki mula sa Sitio Zapatilio, Brgy. Zapatos, sa bayan ng Balud.

Namatay ito sa pagkalunod kung saan narekober ang labi nito sa Barangay Calumpang, sa bayan na ng Milagros.

Tatlo pang mga kaanak nito ang nawawala kabilang ang 10-anyos na si Rico Bataican, 9-anyos na si Romeo Jr at 6-anyos na si Marlon. Sa report ng OCD, sumakay umano ng bangka ang tatlo papuntang Carles, Iloilo mula sa bayan ng Balud.

Samantala, narescue na ang 11 sa 14 na mga indibidwal na unang naiulat na nawawala sa kasagsagan ng bagyo. Apat sa mga ito ay mga kaanak ng 3-anyos na batang nasawi at ng tatlo pang nawawala.

Sina Romeo Bataican, 37-anyos, Roda, 35 at Romelyn, 14-anyos ay narescue sa Barangay Panguiranan, sa bayan ng Balud at ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Narescue naman sa hiwalay na lugar ang isa pa nilang kaanak na si Roldan Bataican, 19-anyos na napadpad naman sa Barangay Calumpang, sa bayan ng Milagros.

Nagpapagaling na rin sa ospital ang 31-anyos na mangingisdang si Gilbert Bartolay ng Brgy Danao, San Jacinto, Masbate matapos itong marescue sa karagatan ng Brgy Ogod sa bayan ng Donsol, Sorsogon kahapon ng umaga.

Habang nasa maayos na lagay na ang apat pang indibidwal mula sa Esperanza, Masbate na unang narescue sa bayan ng Placer.

Nagpapatuloy ang paghahanap sa tatlo pang indibidwal na nawawala na pawang mga menor de edad.###  || slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *