Catanduanes, nakapagtala ng 74 na mga bagong kaso at 51 recoveries sa COVID-19 nitong weekend

BNFM BICOL—Muling nakapagtala ng mataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang islang lalawigan ng Catanduanes matapos na mairehistro ang nasa 74 na bagong tinamaan ng sakit nitong weekend.

Batay sa report ng Department of Health-Bicol, 20 kaso ng COVID-19 ang naitala nitong araw ng Sabado kung saan anim sa mga ito ang mula sa bayan ng Bato; apat sa San Andres; tigtatlo ang mga bayan ng San Miguel at Virac; dalawa sa Bagamanoc habang tag-isang kaso naman ang naidagdag sa Viga at Caramoran.

Samantala kahapon araw ng Linggo, dumoble pa ang bilang ng mga naitalang bagong kaso sa lalawigan, na umabot sa 54.

Sa naturang bilang, tig-15 kaso ang naidagdag sa bayan ng Caramoran at San Andres; 12 sa Virac; tatlo sa San Miguel; tigda-dalawa ang Bagamanoc,  Panganiban at Viga habang may tig-iisa naman ang mga bayan ng Bato, Gigmoto at Pandan.

Bunsod nito, pumalo na sa 2,135 ang COVID-19 cases sa islang probinsya kung saan 485 sa mga ito ang aktibong kaso.

Nasa 1,639 na rin ang bilang ng recoveries dahil sa 51 mga bagong gumaling na naitala rin nitong nagdaang Sabado at Linggo. Nananatili naman sa 11 ang death toll ng sakit sa probinsya.

Kaugnay nito, inanunsiyo naman ng Provincial Health Office na umabot na sa 46,131 na mga indibidwal sa isla ang fullly vaccinated na kontra COVID-19 na katumbas ng 24% ng population coverage.

Patuloy ang pagbabakuna sa Catanduanes mula sa A1 to A5 priority groups habang sinimulan na rin ang vaccination roll out sa other priorities.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *