CatSU, kauna-unahang SUC sa Bicol na makakapagsagawa ng COVID-19 vaccination sakaling maaprubahan na ng PHO

Virac, CATANDUANES—Hinihintay pa ng Catanduanes State University na aprubahan ng Provincial Health Office ang kanilang accreditation para maging COVID-19 Vaccination Center sa lalawigan.

Ayon kay CatSU President Dr. Patrick Alain Azanza, ginagawa ng CatSU ang lahat upang maging kauna-unahang State University and Colleges (SUC) sa rehiyon na makakapagsagawa ng COVID-19 vaccination.

Naniniwala ang opisyal na may sapat na kakayahan ang CatSU para gawing vaccination center dahil sa akmang pasilidad at trained personnel ng mga ito.

Layunin lamang aniya nila na makatulong sa nagpapatuloy na vaccination roll out sa Catanduanes lalo na at minsan ay mahaba ang pila at siksikan sa ibang mga vaccination sites.

Kaugnay nito ay isinagawa ng nasabing paaralan ang Simulation Exercise sa pagbabakuna nitong nakaraang Biyernes at ayon sa PHO ay may ilan lamang na mga requirements ang kailangan pang i-comply ng unibersidad batay na rin sa regulasyon ng DOH habang itatakda naman sa mga susunod na araw ang muling pagsasagawa ng dry run.

Sa huli inihayag ni Azanza na lubhang kinakailangan ng Catanduanes ng dagdag na vaccination centers upang mapabilis ang pagbabakuna sa islang lalawigan at hindi mahirapan ang mga mamamayan lalo na ang mga senior citizens na nagnanais na mabakunahan kontra COVID-19.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *