DepEd ipinauubaya na sa mga magulang kung pagsusuutin pa rin ng face mask ang kanilang mga anak sa eskwelahan

CAMARINES NORTE- Ipinauubaya na ng Department of Education sa mga magulang kung pagsusuutin pa rin ng face mask ang kanilang mga anak sa pagpasok sa eskwelahan.

Kasunod yan ng kautusan ng DepEd Central Office na magiging boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemask ng mga estudyante sa loob ng classroom o silid-aralan alinsunod naman sa Executive Order No. 7 ng Malacañang.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet, sinabi ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo na bagamat nandiyan pa rin ang takot na magkaroon ng hawaan hindi lang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro at school personnel ay hindi naman umano pwedeng suwayin ng DepEd ang kautusan na galing mismo sa Pangulo ng bansa.

Aniya mayroon nang direktiba ang Pangulo na maging boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask kaya hindi maaaring mag- impose ang mga guro.

Dahil sa pagluluwag ng face mask mandate ay responsibilidad na umano ng magulang ang kanilang mga anak at walang magiging “liability” ang eskwelahan sakaling magkaroon ng pagtaas ng kaso at hawaan ng COVID- 19.

Pero kung siya aniya ang tatanungin, sinabi ni Guemo na mahalaga pa rin ang pagusuot ng face mask tulad ng tagubilin ng Department of Health.

Ito ay lalo’y  karamihan sa mga estudyante ay hindi pa bakunado kontra COVID- 19.

Nilinaw naman ng opisyal na ito ay personal na pananaw lamang niya at hindi maaaring obligahin ng DepEd ang mga estudyante at guro na magsuot pa ng face mask.

Responsilibidad na umano ng bawat isa ang kanilang kaligtasan lalo na ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *