Former rebel, patay sa pananambang ng dating kasamahan sa hukbo

SORSGON CITY – Patay ang isang dating rebelde matapos itong pagbabarilin ng hinihinalang mga dating kasamahan sa hukbo sa Brgy Luneta, Barcelona, Sorsogon.

Kinilala ang biktima na si Romeo Hapa France, 34-anyos, rebel returnee at naninirahan sa Brgy Poblacion Sur ng nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lulan umano ang biktima at limang kasamahan nito sa isang top down na tricycle mula sa Sitio Boracay, Brgy Luneta at pauwi na sana nang pagdating sa nasabing lugar ay pinahinto ang mga ito ng tatlong lalaki na mga armado ng M16 rifle.

Tinutukan ang mga kasamahan nito ng baril at sinigawan na ‘’Huwag kayong makialam,’’ habang ang isang armadong lalaki ay pinagbabaril na ang biktima.

Pagkatapos magawa ng mga suspek ang krimen ay tumakas na ang mga ito sa hindi matukoy na direksyon.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 8 pirasong basyo ng bala mula sa M16 at isang bala na hindi pumutok.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *