Kaguluhan nauwi sa pamamaril, kandidato para Kagawad, patay; Kapitan, sugatan

Nauwi sa pamamaril ang isang kaguluhan na naganap ‘in broad daylight’ sa Brgy Maingaran, Masbate City na ikinasawi ng isang kandidato para Kagawad at ikinasugat ng isang Punong Barangay.

Sa ulat na natanggap ng Brigada News, kapwa nasa lamayan ang mga biktima at mga suspek nang magsimula umano ang gulo sa isang palitan ng maaanghang na salita na nauwi sa suntukan bago ang pamamaril ng suspek sa mga biktima.

Kinilala ang nasawi na si Juvy Esquillo Pintor, 44-anyos, tricycle driver na tumatakbong Kagawad habang ginagamot ngayon sa ospital ang Punong Barangay na si Joseph Conrado Martinez, 59-anyos.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Albert Aganan alias Pandak, Bongbong Aganan, Eddie Badilla, Friday Inopia, Ruel Inopia alias Bislong, Iraq Leo Andaya, Angelo Amaro De Jesus at Allan Sese Amaro lahat supporters ng isang kandidato na tumatakbong Kapitan at kalaban ng mga biktima.

Matapos ang pamamaril ay agad na nagsagawa ng manhunt operations ang mga operatiba ng Masbate City Police Station sa mga tumakas na suspek.

Sa update mula sa PRO5, dalawang suspek ang nahuli ng CIDG sa ikinasang manhunt habang ang isang suspek ay sumurender sa mga awtoridad.

Umapela naman ang Provincial Director ng PNP Masbate na si PCol Rolly Albaήa sa lahat ng mga kandidato at mga supporters ng mga ito na maging ‘considerate’ sa kanilang pangangampanya para maiwasan ang pag-aaaway at sumunod sa mga alituntunin sa kampanya na itinakda ng Comelec.

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na makakaasa ang publiko na gagawin lahat ng Pulisya ang pinakamahusay na pagsisikap upang itaguyod ang seguridad at integridad ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election, gayundin upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *