‘LGUs, inatasan ng pangulo na wag ianunsyo ang brand na gagamitin sa COVID-19 vaccination centers’

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units na wag ianunsyo ang brand ng COVID-19 vaccine na available sa mga vaccination sites para maiwasan ang pagdagsa ng mga residente sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Ginawa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos na sabihin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mismong sa vaccinee na lamang sasabihin kung anong brand ng bakuna ang ituturok dito para di magpuntahan ang mga tao sa mga sites na nagtuturok ng gusto nilang brand ng bakuna. 

Tiniyak ni Roque sa publiko na mayroong emergency use authority mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang lahat ng bakunang ginagamit sa bansa at ligtas naman at epektibo.  

Aniya, di gagamit ang gobyerno ng bakunang makakapaminsala sa mga Pilipino. 

Dagdag ng kalihim, di rin paglabag sa informed consent ang non-immediate disclosure ng vaccine brand dahil lahat ng bakuna ay dumaan naman sa parehong proseso. 

Mababatid na ginawa ng pangulo ang kautusan kasunod ng ulat ng overcrowding sa vaccination sites sa Maynila at Paranaque kung saan pumila ng ilang oras ang mga tao para mabakunahan ng preferred nilang BioNTech shot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *