Mambabatas, dismayado sa medical leave ng DBM chief sa gitna ng mga katanungan sa ayuda

Dismayado ang ilang mambabatas na kinailangan ni Budget Secretary Wendel Avisado na mag-medical leave matapos magdesisyon ng gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na lockdown sa Metro Manila simula August 6.

Ayon kay Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate, nangyari ito sa gitna ng mga katanungan ng publiko kung magkakaroon ba ng ayuda sa gitna ng ipatutupad na ehanced community quarantine sa Metro Manila.

Ipinunto ng mambabatas na noong isang araw lamang ay sinabi ni Avisado na hahanapan niya ng pondo ang ayuda at naghihintay lamang ito ng direktiba mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tanong ngayon ng kongresista kung meron na bang direktiba ang Pangulo, at kung nakahanap na ba ito ng pondo bago ang implementasyon ng ECQ.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala pang panuntunan ang gobyerno para sa distribusyon ng ayuda para sa mga apektadong pamilya ng ECQ.

Pero ayon kay Roque, tiniyak sa kaniya ni Avisado na naghahanap na sila ng pondo para rito.

Iminungkahi naman ni Zarate na kung sakaling magkulang ang pondo para sa ayuda, ay kunin na lamang ito sa National Budget Circular 586 at pati na rin sa P4.5-billion presidential confidential and intelligence funds, at pati na rin sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Binigyang diin rin ni Zarate na kailangan nang matapos ang 2022 budget proposal lalo na at inaasahang magpapatuloy ang pandemya hanggang sa susunod na taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *