Mga dialysis machine sa EBMC sa Catanduanes, hindi pa maaaring gamitin ayon sa hepe ng ospital

Virac, CATANDUANES—“Hindi pa maaaring gamitin ang sampung units ng Dialysis Machine sa Eastern Bicol Medical Center.”

Iyan ang inihayag ni EBMC Chief Dr. Vietrez Abella sa isang panayam, bilang pagsagot sa katanungan ng publiko kung maaari nang magpa dialysis sa naturang pagamutan.

Ayon kay Abella, may mga rekisitos at proseso pang kinakailangang pagdaanan bago tuluyang maipagamit sa mga pasyente ang mga dialysis machine na donasyon ng DOH.

Bukod dito, kinakailangan pang ayusin ang aplikasyon nito sa pagpa accredit sa Department of Health at PhilHealth habang isasailalim pa sa masusing pagsasanay ang ilang health personnel ng ospital na mag o-operate ng mga machines.

Pagbibigay diin nito, maselan ang dialysis session na isinasagawa sa mga pasyente kung kaya’t kinakailangan ng pagsasanay at ibayong paghahanda bago masimulan ang operasyon nito.

Matatandaang nitong nakaraang linggo ay pormal nang pinasinayaan ang “Malasakit Center” sa lalawigan at kasabay nito ang pagbibigay ng mga nasabing ekipahe ng DOH sa EBMC upang matulungan ang mga mahihirap na residente sa Catanduanes na hindi na lumuwas pa ng isla para lamang magpa dialysis.

Samantala habang hindi pa ito maaaring gamitin, sinabi ni Abella na may dalawa namang dialysis machines na matatagpuan sa JMA District hospital sa bayan ng San Andres at sa mayroon ding Dialysis Center sa Catanduanes Doctors Hospital sa bayan ng Virac.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *