‘One and only’ Covid facility ng SPPO, pangunahing batayan sa pagkakahirang bilang Best Police Provincial Office sa bansa

SORSOGON CITY – Bukod sa mga tapat at ‘highly motivated’ personnel ng Sorsogon Police Provincial Office, ang pagkakaroon ng Covid facility ng SPPO ang isa sa pangunahing naging batayan sa pagkakahirang nito bilang Best Police Provincial Office sa buong bansa.

Pahayag ni PSMS Wilbert Labayo, bukod tanging ang SPPO lamang kasi ang mayroong ganitong pasilidad.

Bukod dito, naging batayan din aniya, ang mababang crime rate ng lalawigan, gayundin ang pagkakaroon ng lahat ng mga PNP personnel ng kani-kanilang sariling service firearms.

Samantala, nagpasalamat naman ang opisyal sa patuloy na suportang ibinibigay ng komunidad sa Pulis Kasanggayahan na malaking bagay din umano upang masungkit muli ang pinakamataas na karangalan na pwedeng makamit ng isang Police Provincial Office.

Matatandaan na taong 2016 nang unang makuha ng SPPO ang nasabing karangalan sa panunungkulan noon ni PSSupt Ronaldo Cabral.

Noong Lunes, Agosto 16, ay  ginawaran ng pinakamahusay o Best Police Provincial Office sa buong bansa ang SPPO na pinamumunuan ni PCol Arturo Brual Jr. sa ika-120th Police Service Anniversary ng Phil. National Police na ginanap sa Camp Simeon Ola, Legazpi City, Albay.

Ang SPPO na sumasakop sa isang lungsod at 14 na bayan sa Sorsogon ang nanguna at nakakuha ng pinakamataas na puntos para sa pinakamagaling na police provincial office sa buong bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *