P2.1M halagang cash assistance, ibinigay sa FRs

Aabot sa 21 dating miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) ang nabigyan ng cash assistance sa ginanap na Presentation of Former Rebels (FRs) na ginanap sa People’s Mansion, Capitol Compound sa lungsod ng Sorsogon.

Ang Pamahalaan ng Sorsogon ay nagpaabot ng malaking tulong na pera na nagkakahalaga ng P2.1M sa mga dating rebelde, na binigyang diin ang kanilang pangako sa pagsuporta sa proseso ng reintegration.

Higit pa sa tulong na pera kung saan tig-P100K ang bawat isa, ang mga indibidwal na ito ay nakatakdang makatanggap ng karagdagang tulong, kabilang ang mga programang pabahay, kabuhayan, pang-edukasyon at medikal.

Sa nasabing okasyon, pinuri ni Gob Edwin ‘Boboy’ Hamor ang mga dating rebelde sa pagpili ng landas ng kapayapaan.

Ipinaabot din sa kanila ng Gobernador ang komprehensibong programa ng pamahalaan katulad ng itatayong Kapayapaan Village na magiging permanenteng tirahan ng mga reformed FRs.

Hinimok naman ng Phil Army ang natitira pang miyembro ng NPA na ibaba ang kanilang armas para muling makasama ang kanilang pamilya at yakapin ang isang mapayapang pagdiriwang ng Pasko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *