P3.7M halaga ng marijuana, nakumpiska mula sa vlogger at 2 suspek sa Laguna

Nasamsam mula sa isang vlogger at dalawang kasama ang P3.7 million na halaga ng pinaniniwalaang high grade marijuana sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. San Isidro, San Pablo City, Laguna kaninang madaling araw.

Kinilala ni PCol. Randy Glenn Silvio, Officer-In-Charge ng Laguna PPO ang mga suspek na sina Jerome Zapanta Layson alias ‘Jhem Bayot’, 31, vlogger; Ginalyn Pintang Benisa, 30 anyos at Crismark Balboa Alimagno, 21 anyos, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa imbestigasyon, narekober sa mga suspek ang apat na medium size at anim na large size plastic sachets ng hinihinalang high grade marijuana.

Umaabot ang kabuuang timbang ng nakumpiskang mga marijuana sa 2.5 kilogramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php 3,750,000.00.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pablo City Police Station ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.

Nakatakdang dalhin sa Provincial Forensic Unit sa Camp Paciano Rizal, Sta Cruz, Laguna Crime Laboratory ang nakumpiskang mga marijuana para sa gagawing forensic examination.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *