P69M halaga ng shabu, nakalusot sa Matnog Port

Nalusutang ng isang courier ng droga ang mga K9 dogs at awtoridad sa Matnog Port kung saan dito idinaan ang iligal na droga na nagkakahalaga ng P69M.

Sa pahayag sa Brigada News Sorsogon ng Allen MPS, sinabi nito na ang suspek na si Mangayao Lapan Mitomara, 40-anyos, driver at naninirahan sa Paliparan, Mabuhay City, Dasmariñas Cavite ay galing ng Quiapo, Manila; dumaan ng Sorsogon at nag-RORO vessel sa Matnog Port; dumaan ng Allen Samar subalit hindi na nakarating sa Mindanao na kanyang patutunguhan sana dahil na-intercept ito sa kanilang ‘area of responsibility’ (AOR).

Batay sa ulat ng Allen Police, naharang ang suspek, hapon noong Enero 31 ng TF Maharlika PRO8 at ng Northern Samar HPG habang nagsasagawa ng checkpoint operation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy Jubasan, Allen, Northern Samar.

Narekober dito ang 10 blocks ng white crystalline substance ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 10.4 kilos at may market value na P69M.

Ang droga ay nakalagay sa isang carton na may markings na ‘American Home’ at inilagay sa trunk ng Toyota Vios.

Sa ngayon, ang suspek ay nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kung babalikan, taong 2017 nang makarekober ang Matnog MPS sa pantalan ng 10 kilong shabu na nagkakahalaga ng P50M, ito ay dahil sa pagsasagawa ng nakagawian o routine K9 operation sa loob ng Matnog Port.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *